Hepe ng CHR Negros, may sarkastikong sagot sa P1,000 pondo para sa ahensiya

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 11:16 PM

Balak magbenta ng mani at fish ball ni Jess Cañete, hepe ng Commission on Human Rights Negros Oriental, upang ipakita ang pagkadismaya sa naging desisyon ng Kamara sa inilaang P1,000 pondo sa ahensiya.

Ayon sa nakasulat sa karatulang ginawa ni Cañete, tumatanggap siya ng labada at puwede ring malapitan bilang "orasyon bisaya" o albularyo.

Paliwanag ni Cañete, ang ginawa niya ay isang paraan upang iprotesta ang mababang pondo sa ahensiya. Dagdag pa niya, isa itong sarkastikong pagpapahayag laban sa pang-iinsulto ng Kamara sa kanilang ahensiya.

Nitong Martes, pumabor ang mababang kapulungan na maglaan ng P1,000 pondo para sa CHR para sa susunod na taon.

May 119 na kongresista ang pumabor sa naturang budget, habang 32 naman ang hindi pumabor.

Banat ni House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi umano ginagawa ng ahensiya ang kanilang trabaho kaya bakit aniya magsasayang ng pera ang gobyerno sa ahensiya.

Iginiit din niya na pinoprotektahan lamang ng CHR ang karapatang-pantao ng mga kriminal at ipinagwawalang-bahala ang mga inosenteng biktima ng krimen.

Bagama't pagtatanggol ng ahensiya, ang mandato ng CHR ay ang imbestigahan ang mga posibleng pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno.

Samantala, ayon kay Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform, maaaring singilin sa susunod na eleksyon ang mga kongresistang bumoto pabor sa P1,000 pondo ng ahensiya.

Sa kabila ng naging desisyon ng Kamara, nagpahayag ang ilang senador na susuporta sila sa pagtaguyod ng makatarungang pondo para sa ahensiya.

Ang CHR ay isa sa mga aktibong kritiko ng admistrasyon kaugnay sa kampanya kontra ilegal na droga at ilang beses na ring pinasaringan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga talumpati.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.