Grade 5 pupil na tulak umano ng marijuana, arestado

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 08:16 AM

DAVAO CITY - Inaresto ng Sta. Ana Police ang isang menor de edad na lalaki matapos ito makunan ng marijuana buy-bust na isinagawa sa bahay ng suspek sa Barangay 24, Huwebes ng gabi.

Apat na maliit na balot ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,000 ang narecover ng kapulisan sa suspek na Grade 5 pupil ngayon sa Rizal Elementary School dito sa lungsod.

Ayon sa menor de edad, sa Lupon, Davao Oriental 'di umano ang pinagkuhanan ng mga marijuana.

Depensa nito, hindi siya tulak ng marijuana, kundi kumukonsumo lamang ng ipinagbabawal na droga.

"Nagkataon lang talaga, Ma'am, konsumo ko lang naman 'yun. Pangpa-relax ko lang. Nagsisisi talaga ako," saad ng suspek.

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek pero dahil menor de edad pa ito, ituturn-over siya sa Department of Social Welfare and Development.

"Mag-undergo pa siya ng discernment. Kung mapatunayan na marunong na siyang mag-discern sa tama o mali, kakasuhan pa rin siya pero sa DSWD na siya," ani C/Insp. Alfred Rubrico, Deputy Commander ng Sta. Ana Police.

Isinailalim din sa drug test ang nasabing menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.