2 menor de edad, timbog matapos gamiting drug courier ng ama

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 11:06 PM

Arestado ang magkapatid na menor de edad na ginagamit umano ng sariling ama bilang drug courier, sa buy-bust operation na ikinasa ng Sta. Maria Police nitong Huwebes.

Narekober sa mga bata ang 37 gramo ng shabu na may market value na P214,000.

Ayon sa pulisya, target talaga ng kanilang operasyon ang ama ng dalawang bata pero nagulat sila na ang mga menor de edad ang pinagdala ng droga.

“Ang ama nila ay isinubo itong dalawang bata para i-deliver iyong droga doon sa operatiba natin. Siyempre para makaiwas sa pagka-aresto,” ani Supt. Raniel Valones.

Kuwento ng dalawang bata sa news team, dalawang beses na silang pinagdala ng shabu ng kanilang tatay sa mga binebentahan niya ng droga. 

Nakatakas naman ang tatay ng mga bata habang nakakulong ang kanilang nanay sa ibang kaso. 

Nitong Agosto 31 lamang, nahuli rin ang dalawang itinuturong supplier ng ama ng dalawang naarestong bata. 

Samantala, nakatakdang dalhin ng Sta. Maria, Bulacan—Philippine National Police (PNP) sa Department of Social Welfare and Development ang magkapatid na naaresto habang pinaghahanap pa ang kanilang tatay na nagdawit sa kanila sa kalakaran ng ilegal na droga.

Nababahala ang mga pulis lalo’t mga bata na ang ginagamit sa ilegal na droga.

Sa datos ng Bulacan PNP mula Hulyo 1, 2016, hanggang Setyembre 15, 2017, umabot na sa higit 60 na menor de edad ang naaresto sa mga drug operation. 

Higit 355 naman na mga menor de edad ang sumuko sa mga Oplan Tokhang. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.