AL KHOBAR- Madamdamin ang isinagawang tribute at prayer offerings ng Filipino community sa Al Khobar, Eastern region ng Saudi Arabia para sa namayapang Department of Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople kamakailan.
Bumuhos ang pakikiramay at pagsaludo kay Ople sa pagtitipon ng mga OFWs sa International Philippine School in Al-Khobar.
Marami kasi ang nagulat at nanghinayang sa mga Pilipino sa Saudi sa biglaang pagpanaw ng kalihim. Para sa mga OFW sa Al Khobar, isang bayani at magaling na lider si Ople.
“May malasakit, isang tunay na nagmamahal, nagsakripisyo, nagtatrabaho para aming lahat na OFW. Kaya ma-consider, para sa akin, ikaw ay isang bayani,” sabi ni Engr. Gregory Sugano, Presidente ng All Filipino Community and Sports Commission (AFCSCO).
Pumanaw si Ople noong August 22,2023 dahil sa sakit na breast cancer sa edad na 61.
“Nung time na pumasok si madam bilang Secretary nagkaroon ako ng pag-asa na magkakaroon ng pagbabago, magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga OFW,” sabi ni Dr. Ronnie Molina, natatanging Bagong Bayani Awardee.
“Ikaw na sana ‘yong matagal na naming hinintay na tao na ang puso at dugo para sa mga OFW. Subalit kung gaano ka naming katagal hinintay ay siya namang bilis ng iyong paglisan,” sabi ni Salvador lbranda, Vice Principal, Almajd International School Dammam.
Kinilala bilang kampeon ng migrant workers si Ople dahil sa pagsulong niya sa karapatan ng mga OFW.
Kauna-unahang kalihim din siya ng Department of Migrant Workers at Founder ng Blas Ople Policy Center na tumutulong sa distressed OFWs.
“Your service Ma’am Ople is incomparable and your legacy will always remain in our hearts,” sabi ni Judy Jadormio, President, OFW 9th congress.
“Nakita po natin ang kanyang pag-touch sa buhay ng bawat OFW sa buong daigdig,” sabi ni Engr. Bernardito Dizon, President, Phil. Professional Organization-Saudi Arabia (PPO-SA)
“Gusto niya mismo marinig sa ating mga bunganga, sa atin mismo magsasabi sa kanya kung ano talaga ang problema natin. ‘Yong ang isang magandang ehemplo ng isang secretary na gusto niya ‘yong first hand na balita,” sabi ni Dr. Narciso Mapalo, member, School Governing Board ng International Philippine School in Al Khobar (IPSA).
Laking pasasalamat naman ng Migrant Workers Office sa Filipino community organizations sa pag-organisa ng tribute para kay Ople.
“Ang Migrant Workers Office ay nagpapasalamat po sa lahat na Filipino community members and leaders na nagpunta ngayong hapon kahit sa maikling notice lamang,” sabi Dr. Amelito Adel, Welfare officer, MWO-ERO.
Kahit sandaling nanilbihan si Ople bilang Secretary ng Department of Migrant Workers, ipinakita niya ang kanyang sensiridad at pagmamahal sa mga OFW. Bagay na hindi malilimutan ng mga OFW dito sa Eastern Region ng Saudi Arabia.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Saudi Arabia, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: