PatrolPH

Malaysian-Chinese na babae nasagip matapos dukutin, ayon kay Abalos

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2022 02:27 PM

MAYNILA — Isang Malaysian-Chinese na babae ang nasagip ng pulisya matapos siya dukutin umano noong Biyernes, sabi ni Interior Secretary Benhur Abalos.

Iprinisenta ni Abalos ang dalawang suspek sa pag-kidnap umano ng babaeng banyaga, na aniya'y nasagip ng Philippine National Police, Martes ng gabi.

Nasabat umano ng mga pulis ang sasakyan ng mga suspek sakay ang biktima. 

“Meron siyang ka-chat na boyfriend niya. Pero pagdating niya dito, iba ang sumundo sa kaniya. At siya’y dineteyn na simula September 9, at kanina lang siya na-rescue," kuwento ni Abalos.

"Itong biktima ay dinala sa isang POGO company. Ang masaklap, nilipat siya sa isang POGO company, parang commodity. Pati POGO company, pina-iimbestigahan namin at ipapasara din namin,” dagdag niya.

Hindi ipinakausap ni Abalos sa media ang mga suspek at matipid din siyang magbigay ng karagdagang detalye kaugnay ng kaso.

Hindi rin iniharap sa media ang biktima.

Hinikayat ni Abalos ang publiko na kung may impormasyon sila hinggil sa mga kumakalat na kaso ng kidnapping ay agad itong ipagbigay-alam sa pulisya.

— Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.