PatrolPH

SSS, GSIS, Pag-IBIG, LTO limitado pa rin ang operasyon sa ilalim ng Alert Level 4

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2021 07:57 PM

Tuloy ang limitadong operasyon ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) at Land Transportation Office (LTO) sa pag-iral ng Alert Level 4 sa Metro Manila.

Simula Huwebes, isasailalim ang Metro Manila sa Alert Level 4 ng bagong alert level system, na papalit sa community quarantine status.

Ayon kay SSS spokesperson Sau Mapalo, limitado pa rin ang face-to-face transactions sa kanilang mga tanggapan pero ire-review ng ahensiya ang kanilang mga panuntunan alinsunod sa bagong alert level system.

Patuloy naman umano ang drop box system sa mga nagpa-file ng mga claim.

Ayon naman kay Pag-IBIG Spokesperson Kalin Franco Garcia, bukas pa rin ang kanilang mga tanggapan kahit ipatupad na ang Alert Level 4 sa Kamaynilaan.

Bukas aniya ang mga branch ng Pag-IBIG mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Bukas ang mga counter ng Pag-IBIG para sa payment at cash card application habang ang ibang transaksiyon ay maaaring idaan sa drop box, ani Garcia.

Puwede naman umanong mag-transact ng multi-purpose loan sa drop box o online.

Tuloy rin ang operasyon ng GSIS pero hinihikayat ang mga miyembro at pensioner na idaan na lang sa online ang transaksiyon, ani GSIS Vice President Marge Jorillo.

Sa LTO, bukas din ang kanilang mga tanggapan pero 50 porsiyento lang ang kapasidad.

Tatanggap pa rin ng mga walk-in ang LTO pero kailangang sumunod sa health protocols, sabi ni LTO chief Ed Galvante.

Samantala, ilulunsad naman ng SSS ang uSSSap Tayo facility, kung saan maaaring idulog ng mga miyembro ang kanilang mga tanong kaugnay sa serbisyo ng ahensiya.

Pinalawig naman ng Pag-IBIG ang pagbabayad ng multi-purpose loan, na ngayo'y hanggang 3 taon na mula 2 taon.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.