PatrolPH

Lalaki patay matapos masabugan ng pinaglalaruang granada

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2021 01:07 AM

Patay ang isang 30-anyos na lalaki matapos masabugan ng nilalaro umano nitong granada sa Barangay 2 Poblacion sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte Linggo ng gabi. 

Ayon kay Police Lieutenant Irineo Sibucao, hepe ng Currimao Police Station, nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kaniyang kaibigan nang sumabog ang granada. 

Nangyari ang insidente sa isang kubo sa loob ng compound ng bahay ng nasawi. 

"Lumalabas sa imbestigasyon na pinaglaruan niya ang granada. Nakaupo siya at hawak hawak niya ang granada, siguro pinaglaruan niya at sumabog ang hand grenade," sabi ni Sibucao. 

Dead on the spot ang biktima. 

Sugatan din ang kanyang kaibigan matapos itong tamaan ng mga shrapnel ng granada. Kasalukuyan itong nagpapagaling pa sa ospital. 

Dating security guard ang nasawi at ngayon ay tumutulong sa isang talyer sa pagpipinta ng mga sasakyan.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung saan galing at kung bakit may hawak na granada ang nasawi.

- ulat ni Grace Alba
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.