PatrolPH

3 ospital sa Maynila puno na ang COVID-19 wards

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2021 08:05 AM

Naghihintay ang ilang mga tao sa labas ng Ospital ng Sampaloc, sa Maynila, Agosto 29, 2021, matapos magdeklarang di na nila kayang tumanggap ng mga COVID-19 patients. Mark Demayo, ABS-CBN News
Naghihintay ang ilang mga tao sa labas ng Ospital ng Sampaloc, sa Maynila, Agosto 29, 2021, matapos magdeklarang di na nila kayang tumanggap ng mga COVID-19 patients. Mark Demayo, ABS-CBN News

Halos punuan na ang COVID-19 wards ng mga ospital sa Maynila, ayon sa datos ng public information office ng lungsod Lunes. 

Nasa 73% na ang occupancy rate sa COVID beds sa 6 na district hospitals sa lungsod, pero 3 rito ang higit 100% na at nag-anunsyong nasa critical level.

Agosto pa umabot sa critical level ang Gat Andrew Bonifacio Medical Center at bukas lang ang kanilang emergency room para sa mga urgent cases.
 
Lunes, nag-anunsyo na rin ang Justice Jose Abad Santos General Hospital na puno na rin maging ang kanilang emergency room at holding tents. 

Para makapag-admit ng mga bagong pasyente, kailangan munang makapagpauwi ng mga kasalukuyang naka-admit. 

Sa Ospital ng Sampaloc, nasa 110% na ang kanilang occupancy rate. 

Sa 40 beds na nakalaan para sa COVID cases, 44 na pasyente ngayon ang ginagamit sa naturang pasilidad.

Ayon kay Dr. Aileen Lacsamana, direktor ng Ospital ng Sampaloc, hindi na muna sila tatanggap ng COVID cases.

Pero kaya pa naman ng OSSAM mag-admit ng non-COVID patients.

Sa maternity na rin muna nire-refer ang pediatric cases, habang marami pa silang hawak na COVID patients. 

Mananatili namang bukas ang emergency room ng OSSAM para sa urgent concerns pero kung hindi emergency, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang telehealth hotline.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.