VP Leni may website para sa mga naghahanap ng trabaho

Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2020 07:00 PM | Updated as of Sep 14 2020 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang online job portal ang inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) kasabay ng dumadaming mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Isa sa mga nawalan ng trabaho si Reynan Ouano, na tinatauhan muna ang tindahan ng prutas ng kanyang kapatid sa Quezon City. 

Ito muna ang pansamatala niyang ginagawa simula nang mawalan ng trabaho sa production design dahil sa pandemya. Taga-set-up noon si Ouano ng mga dekorasyon sa mga special event sa mga mall at iba pang lugar. 

"Sabi sa amin papasok na lang kami pag meron nang gawa. Pag medyo nawala na ang pandemic saka na lang kami babalik," aniya.

Hindi lang si Ouano ang naghahanap ng trabaho ngayon, bagay na sinosolusyunan ng OVP sa pamamagitan ng kanilang "Bayanihanapbuhay" program para makakuha ng mga bagong hanapbuhay ang mga apektado ng pandemya.

Ka-partner ng OVP ang website na https://sikap.ph at iba pang kompanya.

"Open kahit high school graduates lang o mayroon ding ilan na kahit hindi tapos ng high school. Ito iyong tinatawag na blue-collar... So sa mga kakilala po ninyo na hindi alam iyong aming website, pa-advise na lang po," ani Robredo. 

Bisitahin lang ang https://sikap.ph para makita ang mga trabahong maaaring aplayan. 

Sinilip na rin ni Ouano ang website pero limitado pa daw ang mga available na trabaho.

Sabi ni Robredo, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang employers para dumami pa ang lumahok sa kanilang inisyatibo.

Isa sa mga unang tumugon sa panawagan ng OVP ay grupo ng mga chef na may database ng mga nawalan ng trabaho sa hotel and restaurant industry.

"Hindi naman tayo umaasa na magkakaroon ng manpower o babalik ang demand nang ganu'n karami pero hindi rin naman tayo hihinto sa paghahanap ng puwede nating i-refer sa ating mga kababayang kusinero at kusinera," ani Gelo Guison.

Bukod sa OVP, mayroon ding online job fair ang Civil Service Commission katuwang ang jobstreet.com para naman sa mga gustong magtrabaho sa gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.