Public market vendors sa Maynila, planong isailalim sa RT-PCR swab test

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2020 04:45 PM

Mga mamimili sa market sa Blumentritt area sa Maynila. ABS-CBN News

MAYNILA - Planong isailalim sa RT-PCR swab test para sa coronavirus disease (COVID-19) ang mga vendor mula sa 17 public markets sa Maynila, ayon kay Mayor Isko Moreno.

Inanunsiyo ni Moreno sa kaniyang Facebook page ang plano, na sisimulan sa susunod na linggo kasabay ng pagbubukas ng ikalawang molecular laboratory sa lungsod na matatagpuan sa Santa Ana Hospital.

Inatasan ni Moreno ang Manila Health Department at pamunuan ng Santa Ana Hospital na makipag-ugnayan sa market administrators para bigyang prayoridad sa testing ang mga vendor sa lungsod.

Tiniyak ni Moreno na walang gagastusin ang mga vendor sa pagsalang sa swab test.

Naniniwala si Moreno na hindi sapat ang pagbibigay ng face mask at face shield sa mga vendor, na direktang humaharap sa publiko sa araw-araw na pagtitinda ng mga ito.

Bukod sa mga vendor, plano rin umanong isailalim sa COVID-19 testing ang mga matansero sa palengke, at mga tsuper ng mga pedicab at jeep.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.