Magnanakaw ng bike sa Maynila, timbog; batang biktima dinala pa sa Navotas

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2020 05:21 PM

MAYNILA — Arestado nitong Lunes ang isang lalaki matapos daw nakawin ang bisikleta ng isang binatilyo sa Maynila, at dinala pa umano nito ang biktima sa Navotas. 

Ayon sa tatay ng 11-anyos na bata, niyaya umano ng 51-anyos na suspek ang anak niya na sundan siya at bibigyan siya ng isang gaming console at cake pa para sa lola. 

Magkahiwalay na nagbiskeleta ang dalawa at sinundan ng bata ang suspek. 

Mula sa Sampaloc, dumaan sila ng Legarda, Recto, Abad Santos hanggang sa Dagat-Dagatan sa Navotas kung saan nakatira umano ang suspek. 

Niyaya pa daw kumain ang biktima sa isang fast food chain, pero tumanggi na ang bata. 

Umalis rin sila agad sa Navotas, pero gamit na ng suspek ang bike ng bata at naka-angkas na lang ito.

Pumunta sila sa R. Papa sa Maynila at sinabihan ng suspek ang bata na bumili ng plastic para sa gaming console. 

Sumunod naman ang bata. Pero pagbalik niya, wala na ang suspek, pati ang bisikleta niya. 

Nakahanap ng tulong ang bata para makontak ang tiyahin niya. 

Ayon kay Police Capt. Val Valencia, hepe ng Lacson police station, matapos magsumbong sa kanila, nagkasa sila ng operasyon para mahuli ang lalaki.

Pinuntahan nila ang bahay sa Navotas at nakita ang suspek at ang bisikleta ng bata. 

Nahaharap ang suspek sa reklamong theft at paglabag sa child abuse law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.