Sanggol gamit ng ina sa pagtutulak ng droga

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 05:12 PM | Updated as of Sep 14 2019 09:48 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang isang ginang matapos gamiting courier umano ang tatlong buwang gulang na sanggol sa Barangay 108 sa Tondo, Maynila. 

Kinilala ang ginang na si alyas "Cherry," na matagal na umanong minamanmanan ng pulisya sa paggamit ng droga. 

Kuwento ng tanod na si Charina Davin, bitbit ng suspek ang kaniyang anak nang sitahin ito ng mga awtoridad. 

Nang makuha ng tanod ang bata, aksidente umano nitong nahawakan ang paanan ng anak at nakapkapan ito ng droga. 

"Ang ginawa ko, kinuha ko 'yung bata para buhatin. Pagbuhat ko, aksidente kong nahawakan ang paa ng bata tapos napansin ko na may tumutunog," ani Davin. 

Paliwanag ni Cherry, gumagamit siya at nagtutulak ng droga para buhayin ang sanggol, bukod pa sa pitong iba pang anak. 

Ayon sa Women and Children Protection Desk ng Manila Police District Station 1, posibleng i-turn over ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development sa pangambang mapeligro pa ang bata sa pamilya nito. 

Maluha-luha pang nagmakaawa ang suspek na ibigay na lang sa kaanak ang bata habang kayakap ito. 

"Sana huwag nilang kunin ang anak ko. Sana ibigay na lang sa hipag ko ang nga anak ko, sana huwag ibigay sa DSWD," ani suspek. 

Bukod sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, inihahanda na rin ang kasong child abuse at child exploitation laban kay Cherry. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.