Mangangalakal na sumalba ng tinapong bandila ng Pilipinas, pinuri ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 11:44 PM | Updated as of Sep 15 2019 12:19 AM

MANILA - Sa isang kahanga-hangang pagpapakita ng respeto sa bandila ng Pilipinas, isang lalaking mangangalakal ang nagsalba ng bandila na natagpuan niya sa isang highway sa bayan ng Pozorrubio, Pangasinan nitong Sabado.

Ayon sa social media post ng Pozorrubio Police, isasalin na ng lalaki ang kaniyang mga napulot na kalakal sa Barangay Alipangpang nang mapansin niyang may nakasupot na tela na kaniya agad nakilala.

Nangamba raw ang lalaki na makasuhan at mapagbintangan na siya ang nagtapon ng bandila dahil alam niyang sagrado ito.

Pero dahil ayaw rin niyang iwanan ito, naisip niyang dalhin na lang sa pulisya bilang respeto at pagpapahalaga sa bandila.

"Hindi mo binalewala ang bandilang iyong napulot. Hindi mo tinangkang ito'y iwan sa kung saan o itapon sa basurahan. Isa kang tunay na Pilipino na magsisilbing inspirasyon sa amin," pahayag ng Pozorrubio Police.

Ayon sa Executive Order No. 179 of 1994, mga luma, sira o punit na bandila ng Pilipinas ay dapat matapon ng mabuti. Pwede ito sunugin pero sa pribadong lugar lang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.