Halos 400 napalaya sa GCTA sumuko na, ayon sa PNP

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 12:24 PM | Updated as of Sep 14 2019 02:16 PM

MAYNILA (UPDATE) – Halos 400 na ang bilang ng mga napalayang preso dahil sa good conduct time allowance (GCTA) na nagsisuko sa ilalim ng ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon sa tala ng PNP Sabado ng umaga, umabot na sa 391 ang mga sumuko sa iba’t-ibang himpilan ng pulisya.

Sa nasabing bilang, 249 ang nai-turnover na ng PNP sa Bureau of Corrections.

Nauna nang binanggit ni PNP chief Police General Oscar Albayalde na wala pang pag-aresto na isasagawa laban sa mga presong nakalaya dahil sa GCTA hangga’t hindi natatapos ang deadline na ibinigay ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang ipinag-utos ni Duterte na sumuko sa loob ng 15 araw ang nasa 2,000 heinous crime convicts na napalaya dahil sa umano'y mabuting asal sa kulungan. Matatapos ang ultimatum na ito sa Sept. 19. 

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar, magkakasa sila ng manhunt operation pagkatapos ng deadline.

Sa Metro Manila, may 37 heinous crime convicts na napalaya sa ilalim ng GCTA ang sumuko na.

"Lahat silang 37 ay na-transfer na [sa NBP]," sabi ni Eleazar.

Paliwanag ni Eleazar, mayroong 202 convicts na ang address ay nasa Metro Manila.

"For the others na included sa list na sa Metro Manila ang address, na-relay na natin sa police stations for appropriate action once mag-lapse na ang 15-day grace period," ani Eleazar.

Wala pang hawak na opisyal na listahan ng mga napalayang heinous crime convicts ang NCRPO sa ilalim ng GCTA. Tanging unofficial list na mula sa iba't ibang source ang hawak nila sa ngayon.

Ang mga convict ay napalabas ng kulungan ng maaga sa ilalim ng GCTA law, na ipinatupad mula noong 2013. Kabilang sa mga napalaya ay ang ilang convict sa mga high-profile na krimen, kabilang ang rape-slay ng Chiong sisters sa Cebu. 

Noong nakaraang linggo, 2 sa 3 convict sa krimen na napalaya ang sumukong muli. 

Iniimbestigahan ngayon ng Senado ang umano'y korapsyon sa Bureau of Corrections, kabilang na ang pagbebenta umano ng GCTA credits at hospital pass para makapagpa-confine ang mga presong wala namang sakit. - May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.