ALAMIN: Ano ang emergency powers at kailan ito ibinibigay?

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 12:41 PM | Updated as of Sep 14 2019 12:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Matagal nang hinihiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyan ng emergency powers para sa pagsasaayos ng trapiko sa EDSA.

Ano nga ba ito at kailan nabibigyan ng emergency powers ang pangulo?

Ang emergency powers ay kapangyarihang ipinagkakaloob sa Pangulo para matugunan ang ilang problema na hindi kayang remedyohan gamit ang kapangyarihan sa ilalim ng konstitusyon.

"Ito ay para gamiting pantugon sa isang partikular na emergency kasi hindi kaya ng konstitusyon o kahit na man anong batas para maghanda sa lahat ng emergency," ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM noong Huwebes.

Sa Art. 6, Sec. 23 ng Saligang Batas, nakasaad na may karapatan ang pangulo na gumawa ng mga patakaran para matugunan ang ano mang emergency sa bansa.

Ang Kongreso ang may basbas sa pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo. Halimbawa rito ang pagdedeklara ng batas militar, na pagbobotohan ng Kongreso bago mapatupad ng Pangulo.

May pangambang maabuso ng sino man ang emergency powers pero nareremedyohan naman daw ito ng mga checks and balance sa Kongreso, ayon kay Del Prado.

"Kung mayroong pagbibigay ng kapangyarihan may posibilidad na gagamitin ito sa pang-aabuso. [Pero] nasa estruktura na niya mismo ang checks and balance at limitasyon," ani Del Prado.

Ang Kongreso rin ang nagtatakda kung gaano katagal maaaring magamit ng Pangulo ang ibinigay sa kaniyang emergency powers.

"Ito ay dapat limitado sa panahon. Hindi ito puwedeng forever. So sino ang magtatakda ng panahong iyon? Ang Kongreso," anang abogado.

Nababawi ang emergency powers kapag nag-adjourn ang Kongreso o kapag naglagda ng resolusyon ang mga miyembro nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.