Paglikas sinimulan sa ilang dadaanan ni Ompong

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 10:10 PM | Updated as of Sep 14 2018 10:45 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Papalapit na nang papalapit sa lupa ang bagyong Ompong na inaasahang magla-landfall sa Cagayan at northern Isabela madaling araw ng Sabado.

Dahil dito, idineklara na ang Signal No. 4 sa dalawang lugar at nagpatupad na rin ng forced evacuation ang mga lokal na pamahalaan sa mga nakatira sa mabababa at itinuturing na high-risk areas.

Taong 2016 nang umapaw ang Cagayan river dahil sa ulang dala ng super typhoon Lawin kaya naman ayaw nang magbakasakali ng mga residente.

Siksikan sa trak ang mga residente na inilayo ng lokal na pamahalaan mula sa ilog.
    
Sa tala ng lokal na pamahalaan, higit 5,000 tao na ang mga nasa evacuation center sa mga coastal area ng Isabela.

Ayon kay Gov. Faustino Dy III, binabantayan nilang maigi ang mga bayan sa Isabela na isolated at malapit sa dagat gaya ng Maconacon, Divilacan, Palanan, at Dinapigue. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpatupad na rin ng forced evacuation sa ilang barangay na nasa low-lying at high-risk areas sa Tuguegarao.
    
Ayon sa mga opisyal ng Tuguegarao City, handa na sila sa "worst case scenario" dahil natuto na sila sa bagyong Lawin. 

Kahit pabugso-bugso pa lamang ang buhos ng ulan doon, agad na silang nag-deploy ng mga truck at nagpuwesto ng mga rubber boat at heavy equipment sa mga lugar na bahain. 

Nagtalaga na rin ng command center ang lokal na pamahalaan ng Tuguegarao na magmo-monitor at tutugon sa pangangailangan ng mga maaapektuhan ng Ompong.
    
Nitong Biyernes naman ng umaga, nadismaya ang ilang mamimili dahil alas-10 pa lang ay nagsara na ang mga grocery store sa lugar.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kahit bahagyang lumihis ang bagyong Ompong, tuloy pa rin naman ang paghahanda ng mga taga-Batanes sa magiging epekto nito.

Mula Biyernes ng tanghali ay tuloy-tuloy kasi ang ulan at malalaki na ang alon sa lugar.

Nakaposisyon na sa mga munisipyo ang mga National Food Authority (NFA) rice at mga family pack na may lamang kumot, kulambo, at pagkain.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ang mga residente naman sa Casiguran, Aurora, naghahanda nang lumikas at magpunta sa evacuation centers ilang oras bago ang paghagupit ni Ompong.

Ramdam na ang malakas na hangin at ulan na dala ng bagyo kaya karamihan sa mga establisimyento ay maagang nagsara.

Puspusan na rin ang paghahanda ng mga residente para lumikas lalo na 'yung mga nakatira sa coastal area.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), daan-daang pamilya ang malalagay sa peligro kung hindi sila lilikas. 

Bukod sa food packs, nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa dagdag na relief goods.

Maliban sa barangay Dibacong, mino-monitor din ng mga awtoridad ang mga barangay ng San Ildefonso, Cozo, at Esteves.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ramdam na rin sa Ilocos Norte ang hangin at ulan na dala ng bagyong Ompong. 

Pero kahit paulit-ulit nang sinabihan ang mga residente, may ilan pa ring hindi umaalis ng kanilang tahanan para lumikas. Katuwiran nila, wala pa namang baha. 
 
Ang Paoay ay itinuturing na isa sa mga catch basin sa Ilocos Norte kaya madali itong lumubog sa baha.
 
Base sa hazard map, halos kalahati ng probinsiya ang flood-prone habang kalahati naman ang delikado sa landslide. 

Sa bayan ng Pasuquin, hinatak na ng mga mangingisda ang kanilang bangka palayo sa dagat. 
    
Ayon kay Gov. Imee Marcos, kung kinakailangang puwersahin ang mga residente para lumikas sa mas ligtas na lugar ay gagawin nila. 
    
Sa kasalukuyan, nakararanas na ng malakas na bugso ng hangin at ulan sa baybayin ng Pasuquin simula nitong gabi. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, bago pa man dumating ang Ompong ay lumikas na ang ilang mga residenteng nakatira sa landslide at flood-prone areas sa Cordillera at La Union.

Nangangamba kasi ang mga residente sa Agoo, La Union na hindi pa rin nakababawi sa bahang dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo.

Sa Bauang, La Union, nasa 500 residente sa coastal barangays ang lumikas dahil sa banta ng storm surge.

Sa Itogon, Benguet ay nag-ikot ang mga opisyal ng barangay para kumbinsihin ang mga residente na lumikas.
    
Gumuho na kasi ang lupa sa gilid ng bundok na kinatitirikan ng ilang bahay.

Sa La Trinidad, 22 pamilya sa Sitio Little Kibungan ang mahimbing nang nakakatulog sa evacuation center.

Agad kasi silang tumugon sa maagang ipinatupad na forced evacuation dahil natakot silang maulit ang trahedya noong 2009 nang tabunan ng landslide ang 77 nilang kapitbahay.

Sa buong Cordillera, 115 pamilya o katumbas ng higit 500 indibidwal ang tumugon sa preemptive evacuation.

Tiniyak naman ng Department of Public Works and Highways ang agarang clearing operations sakaling magkaroon ng mga pagguho sa kalsada.

Roronda pa rin ang mga pulis sa mga kritikal na lugar dahil may ilan pa ring ayaw lumikas sa kabila ng ipinapatupad na forced evacuation.

Kung ayaw pa rin nilang sumunod ay kinakailangan na silang papirmahin ng waiver.

—Ulat nina Jeff Canoy, Raya Capulong, Kevin Manalo, Jeck Batallones, Raphael Bosano, at Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.