'Ompong, mararamdaman Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga'

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 10:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Itinaas na ang Signal No. 4 sa Cagayan at northern Isabela habang papalapit ang bagyong Ompong sa northern Luzon. 

Ayon sa PAGASA, mas titindi pa simula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga ang nararanasang malakas na ulan at hangin sa Luzon.

Nasa 340 kilometero east northeast (silangan hilagang-silangan) ng Casiguran, Aurora ang bagyong Ompong.
    
Napanatili nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 205 kilometers per hour (kph) at may pagbugsong 255 kph.

Bumilis din ang bagyo at kumikilos na ng 30 kph pa-northwest, o pa-hilagang-kanluran.
    
Inaasahang dadaan ang mata o sentro ng bagyo sa Cagayan-Isabela area madaling araw ng Sabado.
    
Sa forecast ng PAGASA, tatama ito sa pagitan ng ala-1 at alas-3 ng madaling araw Sabado.
    
Sa laki ng bagyo, kahit saan pa tumama ang mata nito ay buong northern Luzon ang makararanas ng napakalakas na hangin at ulan.

Pati ang Central Luzon, makararanas ng malakas hanggang walang tigil na pag-ulan, partikular ang Aurora, Nueva Ecija, at Zambales.

Bukod sa matinding hangin at ulan, pinangangambahan din ang posibleng storm surge o daluyong na idudulot ng bagyo.

Tinutulak kasi ng malalakas na hangin ng bagyo ang tubig-dagat papasok sa baybayin.
    
Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga ang pinakakritikal na oras kaya pinaaalalahanan ang lahat na maging alerto.

—Ulat ni Kim Atienza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.