NPA member na may bitbit na explosibo, arestado

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 09:32 AM

Laman ng isang sako ang mga explosibo at mga bala na bitbit ng hinihinalang kasapi ng Special Partisan Unit ng New People's Army sa Davao City.

DAVAO CITY – Isa umanong rebeldeng komunista ang naaresto sa Lopez Jaena Street sa lungsod na ito, Martes ng tanghali.

Nakilala ang nahuling rebelde bilang si Benjamin Kiamco Jr., 38-anyos. Ayon sa mga awtoridad, kasapi siya ng Special Partisan Unit (SPARU) ng New People’s Army (NPA).

Ayon sa report, nakatayo umano si Kiamco sa gilid ng kalsada bitbit ang isang sako na may tatak na DSWD pero ang laman ay mga explosibo, mga bala at magazines.

"Daldalhin niya ang mga ito sa kaniyang mga kasamahan dahil sa marami na ang nag-surrender at wala na masyado silang kagamitan, i-distribute ito sa iba't ibang grupo nila sa Davao Region," ayon kay Senior Superintendent Alexander Tagum, City Director ng Davao City Police.

Narekober mula kay Kiamco ang 20 long at bagong 5.56 magazines at mga 40mm high explosive (M203) na mga bala.

Sa ginawang imbestigasyon ng Davao Police, aktibong miyembro ng Southern Mindanao Regional Command ng SPARU sa Davao Region si Kiamco.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Illegal Possession of Firearms, Ammunitions and Explosives ang haharapin ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.