Mga residente ng coastal towns sa Isabela at Aurora, maagang pinalikas

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 12:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Dalawang lalawigang nasa ilalim na ngayon ng storm signal number 3 ang maagang nagpalikas ng kanilang mga residenteng nakatira sa coastal areas bago pa pumasok ang bagyong Ompong.

Ayon kay Isabela Governor Faustino Dy, Miyerkoles pa lang nang magsagawa na sila ng forced evacuation.

"Nakikita po natin na may movement 'yung direction ng bagyo na itinuturing nating worst case scenario kaya ganun na lamang po ang aming paghahanda sa aming coastal towns," sabi ni Dy sa panayam sa DZMM, Biyernes ng umaga.

Kasabay nito, pinaghandaan na rin nila ang kakailanganin ng inilikas na mga residente tulad ng pagkain para matiyak na ligtas ang kanilang mga kababayan.

Sa ngayon, madilim at makulimlim pa pero wala pang gaanong hangin at ulan ang nararamdaman sa Isabela. Ngunit sa 4 na coastal towns nito, malakas-lakas na umano ang ihip ng hangin.

May koordinasyon na rin ang lokal na pamahalaan sa mga tagapangasiwa ng Magat Dam na unti-unti nang nagpapakawala ng tubig.

"Ang coordination namin lagi kung magpapakawala sila ng tubig, in case na tuloy-tuloy na ang pag-ulan, kung maaari lamang madaling araw mga 2 o 3 in the morning para pagdating sa amin gising na po ang aming mga kababayan," sabi ni Dy.

Sabi ni Dy, sa southern Isabela matatagpuan ang Magat Dam at may mga apat hanggang limang oras din bago dumaloy ang tubig sa unang distrito ng Isabela. 

Nagpalikas na rin sila ng mga residente sa low-lying areas.

May ilang mga magsasaka na umano ang nagsipag-ani ng kanilang palay bago pa tuluyang manalasa ang bagyo.

"Nag-umpisa na po kami ng pag-aani subalit marami kaming aanihin itong pagpasok ng buwan ng Oktubre kaya talaga pong mapapasama at maaapektuhan ang production namin," sabi ni Dy.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, malakas-lakas na ang ulan sa Baler sa Aurora Province. Sa walong bayan ng lalawigan, pito rito ang coastal towns.

"As early as Wednesday, 'yung iba po ay nag-preemptive evacuation na doon po sa mga low-lying areas. Kami rin po ay nakiusap dahil may ilang ayaw pa rin lumikas pero karamihan naman ay tumatalima."

Gaya ng Isabela, maaga ring nagpalikas ng mga residenteng ang lokal na pamahalaan sa Aurora.

"Noong Martes kami ay nagpre-disaster at ako po ay naglabas ng memo circular na isarado na ang mga government at private institutions," sabi ni Vice Governor Rommel Angara.

"Marami po tayong resorts dito at pinayuhan natin ang ating mga resort owner at mga turista na wag na po munang magpacheck-in sa kanilang accommodations dahil sa nagbabandyang typhoon Ompong," ani Angara. 

Aniya, para ito sa kaligtasan ng lahat maging turista man o lokal na residente.

Ang sentro ng bagyong Ompong ay namataan na may layong 540 km silangan ng Baler, Aurora dakong alas-11 Biyernes ng umaga. Taglay nito ang hanging may lakas na 205 kph at pagbugsong 255 kph.

Inaasahan tatama sa kalupaan ng Cagayan-Isabela ang bagyo sa Sabado ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.