Ilang pamilya sa La Trinidad, inilikas dahil sa banta ni 'Ompong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 05:32 AM

Michelle Soriano, ABS-CBN News

BENGUET - Nagpatupad na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng La Trinidad sa ilang residente na nangangambang maapektuhan ng posibleng landslide dala ng Bagyong Ompong.

Nasa 21 pamilya ang kasalukuyang tumutuloy sa mga evacuation center.

Ayon sa mga lumikas, ayaw na nilang maulit ang nangyari noong 2009 nang manalasa ang Bagyong Pepeng.

“Nung previous kasi eh umuulan na saka kami nag-evacuate. So parang mas mahirap siya kasi pagdating namin dito, basa na kami. 'Yung mga kumot basa. Ngayon lang po nangyari na hindi pa umuulan eh nag-evacuate na kami,” ani Khiezza Batay-an.

Kahit sa bantang dala ni Ompong, may ilang residente na ayaw pa ring lumikas, ayon sa Office of Civil Defense - Cordillera Administrative Region (OCD-CAR).

“The PNP can assist us for forced evacuation and kung ayaw pa rin nilang sumunod, I’m recommending that we will ask them to sign for a waiver,” ani Retired Maj. Gen. Ruben Carandang, regional director ng OCD-CAR. 

May 4 na pamilya na ring inilikas sa lalawigan ng Kalinga dahil sa banta ng pagbaha.

Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naipadala na ang relief goods sa mga lugar na posibleng maapektuhan ni Ompong. - ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.