Chinese, 'kinikilan' ng 'NBI agent' dahil sa traffic violation

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 10:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tiklo ang tatlong pekeng ahente ng National Bureau of Investigation matapos mangikil ng mahigit P700,000 sa isang Chinese sa Pasay City, nitong Martes. 

Iniharap noong Miyerkoles ng NBI sa media ang mga suspek na sina Romald De Rosales, Rolroyce Figueroa, at Christian Maximo. 

Ayon sa NBI, unang nagpakilala umano ang tatlo sa mga suspek bilang mga NBI agent na nanghuli sa biktima sa kasong traffic violation at illegal possession of firearms sa halagang P400,000. 

Nang hindi na-dismiss ang kaso, nag-alok pa ang mga ito na lakarin ang piyansang nagkakahalagang P355,000. 

Humingi pa si Maximo ng P40,000 pesos sa biktima para mai-release ang pasaporte niya na hawak ng isang judge.

Nagtaka ang biktima kung bakit wala pang usad ang kaso kaya nagsumbong siya sa NBI at dito na ikinasa ang mga entrapment operation. Nakuha rin ang tatlong pekeng ID at mga baril sa mga suspek. 

Hinala ng biktima na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga pekeng ahente at ng Pasay traffic police. 

Itinanggi ito ng mga opisyal ng Pasay traffic police. Pero nang mabawi ng NBI ang cellphone ng mga pekeng agent, lumalabas na nakausap umano ng mga pekeng ahente ang ilang mga pulis at empleyado ng Hall of Justice sa Pasay. 

Lumalabas rin na nag-uusap pa sila kung paano maghahati-hati sa perang nakuha sa biktima, pero paiimbestigahan pa ito ng NBI. 

“There will be an investigation on the case kung paano at kung nagkaroon ng connivance,” ani NBI spokesperson Ferdinand Lavin. 

Kulong ang tatlo sa kasong robbery extortion, usurpation of authority, at falsification of public documents. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.