Bangka tumaob sanhi ng malakas na alon sa Catbalogan; 9 sakay ligtas

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 05:49 PM

CATBALOGAN CITY – Siyam ang nailigtas matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka dahil sa malakas na alon, Huwebes ng gabi sa karagatang sakop ng lungsod na ito.

Ayon sa kapitan ng pampasaherong bangka na si Joseph Duran, pabalik na sana sila sa isla ng Cinco Sierra matapos ihatid ang mga pasahero nila sa Barangay Buri nang mangyari ang insidente.

Sabi ni Duran, natamaan ng malaking alon ang kanilang bangka. Madilim at maulan din umano nang oras na iyon.

Agad naman siyang nakatawag sa kaniyang anak na siyang pumunta sa opisina ng Philippine Coast Guard (PCG) Samar upang humingi ng tulong.

Nagsagawa ng rescue operation ang PCG kasama ang 8th Infantry Division ng Philippine Army pero nahirapan sila dahil sa lakas ng alon. 

Ligtas ang kapitan ng bangka na kasama ang asawa nito at pitong tripulante.

Samantala, nagbabala naman ang awtoridad sa mga mangingisda at mga operator ng sasakyang pandagat na ipinagbabawal muna ang paglalayag dahil sa sama ng panahon.

Nakataas ang gale warning sa karagatan ng Samar at Leyte dahil sa malalaking alon.

Umiiral ang habagat sa ilang bahagi ng bansa at may mga nakataas na tropical cyclone warning signal dahil sa epekto ng bagyong Ompong, pero hindi sakop ang siyudad. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.