Bahay, nabagsakan ng puno; 5 sugatan

Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 02:03 PM

Nawasak ang bahay ng pamilya Bantug matapos na mabagsakan ng malaking puno sa Pasonanca sa Zamboanga City. Laking pasalamat naman ang pamilya na minor injuries lamang ang natamo nila.

ZAMBOANGA CITY – Lima katao ang sugatan matapos na mabuwag at bumagsak sa kanilang bahay ang isang malaking puno, Biyernes ng madaling araw sa Pasonanca sa lungsod na ito.

Ayon kay Zenaida Bantug, natutulog sila nang maganap ang insidente.

Karamihan sa kanila ay nagtamo ng minor injuries, kabilang ang kaniyang dalawang batang apo.

Sa kabila ng pinsala sa bahay, laking pasalamat ni Bantug na ligtas silang lahat.

Agad naman rumesponde ang mga opisyal ng barangay ng Pasonanca, Zamboanga City Water District at City Environment and Natural Resources para tulungan ang pamilya.

Ang bahay ng pamilya Bantug ay matatagpuan sa buffer zone ng Pasonanca Natural Park.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.