3 dam sa hilagang Luzon, patuloy na nagpapakawala ng tubig

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 06:07 PM | Updated as of Sep 15 2018 09:47 AM

Patuloy na nagpapakawala ng tubig ang tatlong dam sa hilagang Luzon nitong Biyernes bilang preparasyon sa malakas na pag-ulan dala ng bagyong Ompong.

Ang Magat Dam sa Isabela ay may tig-dalawang metrong bukas sa tatlong gate na naglalabas ng 1,587 cubic meters per second (cms) na tubig, ayon sa kay PAGASA hydrologist Edgar dela Cruz.

Nasa 187.76 meters ang lebel ng tubig sa Magat Dam nitong alas-4 ng hapon, malayo sa 190 meters na normal high water level o spilling level.

Dahil sa patuloy na pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, posible ang pag-apaw ng Magat River kapag lumakas pa ang ulan sa Isabela.

Ito'y dahil 3,000 cms ang capacity ng Magat River at nasa higit 2,500 cms na ang tubig sa ilog.

Kabilang sa mga bayan na posibleng bahain ang Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Luna, Burgos, Reina Mercedes, Naguilian at Gamu.

Binuksan na rin ang apat na gate ng Ambuklao Dam, na may opening na 0.5 metro at nagpapakawala ng 313.64 cms na tubig.

Nasa 750.70 meters ang lebel ng tubig sa Ambuklao Dam nitong alas-4 ng hapon, malayo sa 752 meters na spilling level.

Sinasalo naman ng Binga Dam sa Itogon, Benguet ang inilalabas na tubig ng Ambuklao Dam.

Dahil diyan, nagbukas na rin ng 5 gate ang Binga Dam na may 2.5 meters opening at nagpapakawala ng 400.35 na tubig.

Nasa 573.18 meters ang lebel ng tubig nitong alas-4 ng hapon, malayo sa 575 meters na spilling level.

Walang banta ng pagbaha dahil sinasalo naman ng San Roque Dam sa Pangasinan ang tubig mula Binga Dam.

Patuloy ang assessment ng mga awtoridad kung kailan bubuksan ang San Roque Dam.

Binabantayan din ng PAGASA ang Angat Dam sa Bulacan na posibleng maapektuhan ng bagyong Ompong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.