11 arestado sa pagbebenta umano ng malalaswang larawan, bidyo sa internet

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 03:48 PM

DAGUPAN CITY - Arestado ang 11 sa lungsod na ito Biyernes ng umaga dahil sa pagbebenta umano ng mga malalaswang larawan at bidyo.

Todo takip ng mukha ang may-ari at 10 empleyado ng isang outsourcing & IT company sa Tapuac District matapos salakayin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).

Tumambad sa mga awtoridad ang mga computer kung saan ipinapakita ang malalaswang bidyo at larawan ng mga babae.

May ilan ring inabutang nakikipag-chat sa mga foreigner.

Ayon sa NBI, ilang buwan nilang binantayan ang lugar matapos may magsumbong sa kanila.

Call center umano ang pakilala ng negosyo, pero nabisto ang pagbebenta nila ng pornographic materials.

Nagpapanggap rin umano ang mga empleyado na sila ang mga babaeng kausap ng mga customer.

"They chat with them for $50 per signup…pinapadala nila mga nude video and pictures," paliwanag ni Rizaldy Jaymalin ng NBI-Dagupan.

Tumangging magsalita sa harap ng camera ang may-ari ng negosyo, pero aminado itong Hulyo pa sila nagsimula ng operasyon. Nasa edad 20 pataas ang kaniyang mga empleyado.

Ayon sa NBI, aalamin nito ang mga posibleng koneksiyon ng negosyo sa cyberpornography.

Haharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act ang mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.