Tangkang panloloob sa tindahan gamit ang tunnel, nabisto

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2016 09:49 PM

CAGAYAN – Nabisto ng mga otoridad ang tangkang panloloob gamit ang isang tunnel sa ilalim ng isang merchandise store sa siyudad ng Santiago, Miyerkules ng umaga.

Dadaan sana ang mga kawatan sa binutas na bahagi ng drainage canal sa kalye ng Panganiban sa tapat ng palengke ng siyudad.

Nadiskubre ng mga trabahador ng City Environment and Natural Resources Office ang butas habang nagsasagawa sila ng canal dredging. Nakita rin sa kanal ang maliit na tubo na may nakakabit na pako, na hinala ng mga imbestigador ay ginamit bilang pambutas sa dingding ng drainage canal.

Hinala rin ng mga otoridad na planong looban ng mga kawatan ang merchandise store sa pamamagitan ng tunnel, upang magkaroon ng pagkakataong buksan ang vault ng tindahan.

“Maganda itong ginawang canal dredging dahil nakikita iyong mga ganito,” ani Police Chief Inspector Redentor Gumaru Jr., commander ng Station 1 ng kapulisan sa siyudad.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang supervisor ng establisimento, pero maghihigpit na raw sila sa seguridad matapos ang insidente.

Inaalam naman ng mga pulis ang posibilidad na iisa lang ang nasa likod ng tangkang pagnanakaw sa merchandise store, at iba pang katulad na insidente.

Noon lang Agosto 17, nilooban ang isang tindahan ng alahas sa palengke ng Santiago sa pamamagitan din ng tunnel.

Muling pinayuhan ng mga otoridad ang mga may-ari ng establisimento na magtalaga ng guwardiya at alarm system para masawata ang nagbabalak ng masama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.