P7.5-M ecstasy nasabat sa Manila post office

Dennis Datu, DZMM

Posted at Sep 14 2016 05:14 PM

MANILA - Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang P7.5 milyon na halaga ng drogang ectasy sa loob ng limang parcel sa Manila Post Office, Miyerkules.

Bukod sa 5,000 piraso ng ecstasy, nakuha rin ng BOC ang hindi pa matukoy na dami ng sangkap sa paggawa ng shabu.

Ipinirisinta sa media ni BOC Commissioner Nicanor Faeldon ang mga iligal na drogang galing sa Netherlands.

Nakalusot anya ang mga kontrabando matapos na isilid sa kahon ng mga laruang kotse at puzzle.

Nakapangalan ang mga parcel sa isang Don Arnold at Martin Domingo.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Arnel Alcaraz, OIC Deputy Commissioner ng BOC Enforcement Group, ang modus ng mga kawatan na gumagamit ng pekeng pangalan at nag-oorder ng droga sa internet.

Isinisilid anya ang droga sa mga kahon ng mga lehitimong produkto at saka pinapadaan sa Philippine Postal Service.

Iniutos na ni Faeldon ang malalimang imbestigasyon para matukoy at maaresto ang nasa likod ng pagpupuslit ng mga bawal na gamot sa bansa.

Katuwang ng BOC ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang operasyon nitong Miyerkules.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.