Negosyante patay sa pamamaril sa Butuan City

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 05:08 PM

Bumili lamang ng lanzones ang biktima nang pagbabarilin ng salarin sa Butuan City. Larawan mula sa Butuan City Police Station 4

BUTUAN CITY - Dead on arrival sa ospital ang isang negosyanteng babae matapos pagbabarilin sa Sitio Tagkiling dito sa siyudad, Martes ng gabi.

Tatlong tama ng bala ang natamo ng biktimang si Imelda Torralba ng Barangay Anticala.

Ayon sa pulisya, pauwi na si Torralba sakay ng kanilang sasakyan na minamaneho ng kaniyang anak na si Michael John nang magyaya siyang bumili ng lanzones na ibinebenta sa gilid ng kalsada sa naturang sitio.

Nahirapan umanong makahanap ng paradahan ang kaniyang anak kaya bumaba na lamang siya sa sasakyan at nagtungo sa tindahan ng prutas.

Dito na lumapit ang gunman sa biktima at agad siyang binaril. Hindi naman narinig ng kaniyang anak ang putok ng baril dahil malakas ang pagpapatugtog niya sa stereo ng sasakyan.

Wala pang lead ang pulisya kung sino ang responsable sa krimen pero pinag-aaralan na ngayon ang anggulo na may kinalaman ito sa negosyo.

“Posible pong may nakalaban po siya sa negosyo and we're still conducting interview sa pamilya niya, sa mga kaibigan niya kung mayroon ba siyang nakaalitan na naikuwento rin sa kanila,” ayon kay Senior Insp. Henry Samillano Jr.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.