Batang babae nalunod sa creek sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2016 08:51 PM

ISABELA - Patay ang isang 2-taong gulang na batang babae matapos malunod sa creek malapit sa kanilang bahay sa Barangay San Juan sa Aurora, Isabela.

Napaiyak na lamang si Jennifer Susa sa sobrang lungkot at sama ng loob sa pagkawala ng kanyang bunsong anak na si Marichu.

Ayon kay Police Senior Inspector Mervin Delos Santos, chief of Police ng Aurora Police, iniwan saglit ni Susa si Marichu sa kapatid niya nang manghingi ito ng mainit na tubig ngunit wala na ang anak pagbalik niya.

Umabot ng apat na araw bago natagpuan ang katawan ng biktima. Nakita ang kanyang mga labi sa Magat River sa bahagi ng Barangay Bannagao sa Aurora, mahigit dalawang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.

Muli namang nagpaalala ang pulisya sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak upang makaiwas sa mga ganitong insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.