Barangay captain, 4 pa patay sa pananambang sa Pagadian

Henry Atuelan, DZMM

Posted at Sep 14 2016 05:04 PM

MANILA - Patay ang isang barangay captain at apat na iba pa matapos tambangan ng armadong grupo ang kanilang sasakyan sa Pagadian, Zamboanga del Sur.

Sakay ng military jeep, patungo sana ang grupo ni Lourdes barangay captain Marianita Pitogo para dumalo sa Magayon Festival sa kalapit na barangay ng Dao.

Pero pagsapit sa bulubunduking bahagi ng Purok Dumailan, pinagbabaril ang mga biktima ng hindi pa matukoy na grupo.

Nasawi sina Pitogo, Renato Magdadaro Malandig, Rosalinda Gonzaga Inodio, Rosalita Agbonesa Cagas, at Roel Gonzaga Edoquito.

Malubha namang nasugatan ang kanilang kasamahang si Susan Manuway Hunis.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Pagadian police chief, Superintendent Michael Palermo na pulitika ang isa sa mga tinitingnang anggulo sa krimen.

Nagkasa na anya ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.