5 patay, 1 sugatan sa pananambang sa Pagadian

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2016 06:35 PM

Patay ang lima samantalang sugatan ang isa sa pananambang na naganap sa mabundok na bahagi ng Sitio Dumalian, Barangay Lourdes, Pagadian. Dynah Diestro, ABS-CBN News

PAGADIAN – Patay ang lima, kabilang na ang isang barangay chairman, habang may isa namang sugatan sa pananambang Martes ng umaga sa Pagadian City.

Patay sina Marianita Pitogo, Barangay Chairman ng Lisson Valley; Renato Malantig; Rosalinda Enodio; Rosalita Cagas; at Rowell Edoquio; habang sugatan naman si Susan Hunis. 

Maagang umalis sa siyudad ng Pagadian ang grupo para sana dumalo sa pagtitipon ng mga kababaihan kasama si Bise-Presidente Leni Robredo, na siyang bumisita doon noong Martes, ngunit pagdating sa mabundok na bahagi ng Sitio Dumalian, Barangay Lourdes, ay tinambangan ng mga hindi kilalang suspek ang kanilang sinasakyang military jeep.

Isinailalim sa ballistic examination ang nakuhang mga bala ng ripleng M16, at carbine ng baril upang maikumpara ito sa mga nagdaang insidente ng pamamaril sa lugar.

Ayon sa hepe ng Pagadian City Police Station na si Superintendent Michael Palermo, may bahid politika umano ang motibo ng pananambang sa mga biktima, batay sa mga nangyaring pamamaril na nagsimula noong buwan ng Mayo, isang araw bago ang eleksyon.

Mula buwan ng Mayo ay pang-apat na umano itong insidente ng pamamaril sa lugar na naitala ng kapulisan.

Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng kapulisan para mahanap ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.