2 hinihinalang gun-for-hire, patay sa engkuwentro

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2016 07:20 AM

MANILA – Patay ang dalawang armadong lalaki matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Tonsuya, Malabon. Hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group ang mga napatay.

Isa-isang inilibas ng SOCO ang mga bangkay ng dalawang lalaki mula sa isang bahay sa Sitio Balot sa Malabon bago maghatinggabi.

Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng impormasyon na may limang armadong lalaki sa nasabing sitio kaya agad silang pumunta para alamin.

Pero paglapit nila sa isang bahay, dalawang lalaki na may dala umanong mga baril ang sumalubong sa kanila at umastang lalaban.

Nasa pintuan pa lang noon ang nga pulis kaya bago pa sila matamaan, inunahan na nila ng pagpapaputok ng baril ang mga lalaki.

Kinilala naman ng kanyang tiyahin ang isa sa mga napatay na si Jay Matias, isang tricycle driver.
     
Inaalam pa sa ngayon ang pagkakakilanlan ng isa pa. Paniwala ng kanyang tiyahin, walang masamang ginagawa ang kanyang pamangkin.

Narekober sa mga napatay ang dalawang caliber .45 at 9 mm na baril. Isa sa tinitingnang anggulo ng mga pulis ay mga miyembro sila ng isang gun-for-hire group.