PatrolPH

Higit 600 bagong kaso ng Delta variant na-detect; genome sequencing paiigtingin pa

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2021 06:34 PM | Updated as of Sep 13 2021 09:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Mas marami na ang na-detect ng Philippine Genome Center (PGC) na Delta variant ng COVID-19 virus kumpara sa Alpha variant, base sa pinakahuling report na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Lunes.

Ayon sa DOH, 640 ang bagong nadagdag sa listahan ng mga na-detect ng Delta variant, kung saan 540 ang local cases, 52 ay returning overseas Filipinos, habang ang 4 ay inaalam pa kung local o galing sa ibang bansa. 

Dahil dito, nasa 2,708 na ang kabuuang bilang ng Delta variant sa bansa. Naungusan na nito ang bilang ng Alpha variant na 2,448 at nalalapit na rin sa Beta variant na nakita sa 2,725 samples. 

Matatandang ang Alpha at Beta variants ang dahilan ng pagdami ng kaso noong Marso at Abril. 

Sinabi rin ng PGC na simula noong September 9, binawasan na nila ang RT-PCR testing services para ituon ang kanilang resources sa whole genome sequencing at maka-detect ng mga variants ng coronavirus. 

Ang resulta nito, mas maraming sample ang mase-sequence at posibleng mas maraming makitang variants of concern. 

Ayon naman sa OCTA Research Group, patuloy na nakakaranas ang mga probinsiya ng mataas na one-week growth rate mula September 6 hanggang Linggo.

Pinakamalaking growth rate anila ang nakita sa South Cotabato, Benguet, Negros Occidental, Tarlac, Quezon at Bohol. 

Ang epidemiologist naman na si Dr. John Wong, sinabing dahil sa banta ng variants, posibleng hindi pa makamit ang inaasam na herd immunity. 

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.