PatrolPH

Fuel tanker nahulog sa tulay at nagliyab sa Nueva Vizcaya; 2 patay, 3 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2021 03:15 PM

Patay ang 2 katao habang sugatan ang 3 iba pa matapos magliyab ang fuel tanker nang mahulog sa tulay sa Bagabag, Nueva Vizcaya, Linggo ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Romeo Barnachea, Jr., hepe ng Bagabag Police Station, galing Pulilan, Bulacan ang tanker na may kargang 40,000 litro na krudo. 

Papunta sanang Isabela ang tanker. Pero pagpasok nito ng San Lorenzo Bridge sa Barangay Baretbet, Bagabag, sumalpok ito sa kaliwang railings ng nasabing tulay.

Tuluyang nahulog ang tanker at nagliyab matapos bumagsak sa ilalim ng tulay pasado alas-11 ng gabi.

“Nakausap natin 'yung isang survivor, parang naka-idlip daw 'yung driver nila… Ang bilis daw ng pangyayari," ani Barnachea.

Narekober ang bangkay ng pinaniniwalaang drayber at pahinante ng tanker. Hindi sila makilala dahil kapuwa sunog ang mga katawan. 

Dinala sa ospital ang 3 sugatang lalaki, na napag-alamang nakisakay lang umano sa tanker. 

Nadamay rin sa sunog ang isang bunkhouse sa ilalim ng tulay. Wala namang nasaktan sa mga trabahador doon dahil agad umanong nakatakbo ang mga ito. 

Nagdulot ng mabigat na traffic ang aksidente, at pasado alas-3 ng madaling-araw nitong Lunes na nang mabuksan para sa mga motorista ang isang linya ng kalsada. 

Nagsasagawa ang Department of Public Works and Highways ng damage assessment sa tulay. 

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

—Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.