PatrolPH

‘No Movement Day’ ipinatutupad sa Lanao del Sur para pagpahingahin ang frontliners

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2020 01:50 PM

‘No Movement Day’ ipinatutupad sa Lanao del Sur para pagpahingahin ang frontliners 1
Tahimik ang mga pinakaabalang kalsada sa Marawi sa unang araw ng pagpapatupad ng "No Movement Day" upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19 at pagpahingahin ang frontliners. Kuha ni Jamalodin Basman Mohamad

MARAWI CITY - Tahimik at maluwang ang mga pinakaabalang kalsada ng lungsod na ito ngayong araw ng Linggo, unang araw ng pagpapatupad ng "No Movement Day" bunsod ng pagsasailalim sa lalawigan ng Lanao del Sur sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Mga authorized persons outside residence (APOR) at may mga emergency cases lang ang pinahihintulutang lumabas tuwing 'No Movement Day' o bawat Linggo na nakasailalim sa MECQ ang probinsiya upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sarado rin ang mga establisyimiento maliban sa mga botika at opsital.

Bagaman, walang penalty ang lalabag sa naturang patakaran, ayon kay Inter-Agency Task Force focal person Shiela Devnani-Ganda.

“This is yet a provincial IATF advisory. No attached penalties, unlike ordinances. Part of the management on the current quarantine classification of Lanao del Sur and in a way, to give our frontliners a day off from rigid vigilance at QCPs,” aniya.

Ayon naman kay Vice Governor Mohammad Khalid Adiong, marami ang hindi sumusunod sa health protocols, gaya ng pagsuot ng mask, kahit nakasailalim ang probinsiya sa MECQ hanggang Setyembre 30.

Sabi ng residenteng si Jamalodin Basman Mohamad, laking tulong sa pagpapabagal ng local transmission ng COVID-19 ang isang araw na pagsunod ng mga residente sa 'No Movement Day.'

“Sumusunod ang karamihan sa mga residente ngayon kasi maraming mga pulis ang rumoronda,” sabi ni Basman. 

May mangilan-ilan pa ring lumalabas, pero tumatakbo rin sa loob ng kanilang bahay tuwing may napapadaang mga pulis. Namataan rin ang ilang residente na naliligo sa lawa sa Barangay Saduc. 

Minomonitor rin ng mga CCTV ang ilang bayan.

Patuloy naman ang pagdating ng mga stranded na mga residente sa kabila ng pagsuspinde ng probinsya ng inbound travels simula Setyembre 7. Ang mga dumating na stranded residents ay nabigyan ng clearance bago ang pagsuspinde ng inbound travels. 

Nitong Sabado, umabot sa 413 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa probinsiya. Kabilang dito ang 333 pasyente na gumaling sa sakit, at 65 ang kinokonsiderang active cases.

- May ulat ni Roxanne Arevalo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.