Mga sementeryo sa Metro Manila, isasara ngayong Undas

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2020 07:06 PM

MAYNILA - Nagkasundo na ang lahat ng mga alkalde sa Metro Manila na isara ang mga sementero sa Undas.

Kinumpirma ito ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia at Metro Manila Council Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

Gayunpaman, ilalatag pa lamang ang guidelines sa pagsasara sa lahat ng sementeryo sa Metro Manila sa isasagawang meeting ng Metro Manila Mayors ngayong Linggo ng gabi.

Una na ring sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na isasara ang lahat ng sementeryo sa Maynila mula October 31 hanggang November 3.

Nagsabi na rin si Marikina Mayor Marcy Teodoro na isasara ang mga sementeryo sa lungsod mula October 31 hanggang November 2, ngunit papayagan ang mga residente na makabisita sa puntod ng mga mahal sa buhay simula October 15.