COVID-19 cases sa Pilipinas higit 261,000 na

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2020 04:24 PM | Updated as of Sep 13 2020 05:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Umabot na sa higit 261,000 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, base sa tala ngayong Linggo ng Department of Health.

Nakapagtala ang DOH ng 3,372 bagong kaso, dahilan para umakyat sa 261,216 ang kabuuang bilang, kung saan 49,277 lamang ang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit.

Nadagdagan din ng 20,472 ang mga gumaling sa sakit sa ilalim ng "Oplan Recovery," ayon sa DOH, kaya umakyat sa 207,568 ang total recoveries.

Umakyat naman sa 4,371 ang death toll matapos makapagtala ang health department ng 79 bagong pagkamatay dahil sa COVID-19.

Nangunguna ang National Capital Region sa lugar na nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso, na nasa 1,307. Sinundan ito ng Cavite, Laguna, Negros Occidental, at Rizal.

Sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas pa rin ang bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19. Pangalawa naman ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming active cases, sunod sa Indonesia.

Nauna nang sinabi ng isang opisyal ng task force na tumutugon sa COVID-19 pandemic na target ng gobyernong ma-flatten ang COVID-19 curve o mapababa ang bilang ng mga nagpo-positibo sa katapusan ng Setyembre, 7 buwan mula nang unang makapagtala ng kaso ang bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.