Quezon niyanig ng magnitude 5.3 na lindol

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 07:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Niyanig ng magnitude 5.3 na lindol ang bayan ng Burdeos, Quezon province ngayong hapon ng Biyernes, ayon sa Phivolcs.

May lalim na 10 kilometro ang pagyanig na nangyari alas-4:28 ng hapon, ayon sa Phivolcs.

Tatlong plotted o recorded aftershocks ang naitala ng Phivolcs matapos ang main shock. Pinakamalakas umano rito ay ang magnitude 5.1 aftershock na tumama 5:18 ng hapon.

Tectonic ang origin ng lindol, na nangangahulugang bunsod ito ng mga fault at trench, sabi ni Angelito Lanuza, science research specialist sa Phivolcs.

Naramdaman ang pagyanig sa iba't ibang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila.

Nagsagawa ng paglikas ang Malacañang, Bangko Sentral ng Pilipinas, iba pang mga ahensiya ng gobyerno, at iba-ibang mga establisimyento at paaralan.

Sa Quezon City, may mga taga-Bureau of Fire Protection at miyembro ng isang non-government organization na nagsasagawa ng fire drill nang mangyari ang lindol.

Pansamantala ring tumigil ang operasyon ng MRT at LRT.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.