Notoryus na tirador umano ng side mirror sa QC arestado

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 06:04 PM

MAYNILA - Naaresto nitong Biyernes ang isang lalaki na modus umano ang pagnanakaw ng side mirror ng mga kotseng nakaparada sa Barangay Sto. Cristo, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Joel Blanco, na natunton sa tulong ng CCTV.

Ayon sa punong-barangay na si Mac Navarro, parte si Blanco ng sindikato na sangkot sa pagbabaklas ng mga parte ng mga nakaparadang kotse.

"Style talaga nila na gumigilid sila, pailalim ng CCTV para hindi sila makita ng CCTV. Kaya nagmasid ang ating CCTV, binantayan," ani Navarro.

Batay sa video, makikitang naghahanap ng kotseng kukuhanan ng side mirror ang suspek, Biyernes ng madaling araw.

Maya-maya, pa-simple niyang binaklasan ng side mirror ang mga nakaparadang kotse.

Tinangay rin umano ng suspek ang mga hub cap ng mga gulong.

Nakita ng mga kawani ng barangay sa CCTV ang ginawa ng suspek kaya agad siyang pinuntahan ng mga tanod sakay ng traysikel para sitahin.

"Na-monitor na siya. Suspicious na kasi siya eh. 3:30 ng madaling-araw, may dala kang bag. Tapos ang tingin mo sa paligid may hinahanap ka. So sinundan na ng CCTV," ani Navarrro.

Nakipaghabulan pa ang suspek pero nahuli rin ito.

Kinasuhan na ang suspek.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.