Natagpuang patay na baboy sa Marikina pumalo na sa 55

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumalo na sa 55 ang bilang ng mga natagpuang patay na baboy sa Marikina, ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod. 

Natagpuang palutang-lutang ang mga baboy sa bahagi ng Marikina River sa Nangka at Tumana, Marikina City at hinihinalang namatay dahil sa African swine fever. 

Suspetsa ng lokal na pamahalaan ng Marikina, galing sa San Mateo at Rodriguez, Rizal ang mga namatay na baboy at inanod lang sa Marikina. 

"Maaaring ibinaon sa lupa subalit mababaw ang pagkakabaon kaya nung umulan nitong mga nakaraang araw ay nawala ang tabon (na lupa)," ani Marcy Teodoro, alkalde ng lungsod. 

Gumamit na rin ng makinarya ang lokal na pamahalaan para mapulot ang lahat ng makikitang baboy sa riverbank ng Marikina at saka lalagyan ng disinfectant para hindi pa kumalat ang virus, ayon kay Marikina veterinarian Dr. Manuel Carlos.

Dahil dito, umapela si Agriculture Secretary William Dar na i-ulat kung nagkakasakit ang kanilang mga alaga para hindi na kumalat pa ang African swine fever sa ibang lugar. 

Naniniwala siya na ito ang resulta ng mga pilit nagtatago ng kanilang mga alagang baboy sa kabila ng kanilang paalala. 

"Ang problema kasi doon sa ground zero doon sa earlier affected areas, ang daming nagtago. Itinago nila on their own initiative and this is now the problem, sila na yung nag-spread, sila na yung kumakalat na baboy dyan," ani Dar. 

Nitong Lunes lamang, kinumpirma ng DA na 14 sa 20 samples ng mga namatay na baboy na ipinadala nila abroad ang nagpositibo sa ASF. 

Ito umano ang sanhi sa biglaang pagkamatay ng mga baboy sa Rizal at Quezon City. 

Dahil sa paglutang ng mga patay na baboy, ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ang pangingisda at ano mang water-related activity sa ilog. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.