Lalaking sangkot sa sextortion, arestado

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 11:40 AM

Hindi na nakaporma pa ang suspek na naaresto matapos na kumubra ng ipinadalang pera sa remittance center ng kaniyang 17-anyos na biktima.

CALAMBA CITY, Laguna – Agad na dinampot ng awtoridad ang isang 27-anyos na lalaki matapos magkubra sa remittance center ng ipinadalang pera ng bina-blackmail niyang 17-anyos na dalagita.

Sa presinto, kinuyog ng biktima at mga kaanak niya ang suspek.

Kuwento ng biktima, nag-chat sa kaniya sa Facebook ang suspek at inalok magtrabaho bilang female escort kapalit ng P25,000 at smartphone.

Nag-message din pala ito sa kaniyang kapatid.

“Hindi po ako kumagat kasi sa tingin ko talaga manloloko lang po. Hindi ko po akalain na 'yung kapatid ko 'yun po ang gagawa,” sabi ng kapatid ng biktima.

Sa kagustuhan na makapagtrabaho, pumayag ang dalagita sa suspek na gumawa ng sex video sa isang hotel sa Laguna noong Setyember 10.

Bahagi raw ang video sa kaniyang “audition”, pero gagamitin pala ito ng suspek para kikilan siya.

“Tinakot niya po ako na inaano daw po sa maraming tao yung bidyo pong yun hangga’t sa padalan ko daw po siya ng P2,000 po,” kuwento ng biktima.

Inamin ng suspek ang krimen. Sinabi din ng suspek na pang-apat na beses na niya itong ginagawa dahil sa matinding pangangailangan ng pera para sa buntis na asawa.

Natuklasan ng Regional Anti-Cybercrime Unit na may 4 na fake accounts ang suspek sa Facebook at gumagamit ng larawan ng ibang babae.

Kaya bukod sa sextortion at rape, posibleng maharap din sa kasong identity theft ang suspek.

“Kung meron pa pong nakakakilala sa taong nahuli namin puwede po kayong makipag-ugnayan sa aming himpilan…para mai-file din po natin yung kaso niyo sa kaniya,” panawagan ni Police Maj. Joseph Arvin Villaran, chief of operations ng Regional Anti-Cybercrime Unit ng Police Regional Office 4A.

Payo ng awtoridad, isipin muna kung kailangan na i-post sa social media ang mga personal na impormasyon at larawan at huwag magtiwala sa mga nakaka-chat para ‘di mabiktima ng cybercrime.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.