KILALANIN: Mag-asawang sumagip sa pusa sa gitna ng EDSA

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 08:13 PM | Updated as of Sep 13 2019 09:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Viral ngayon sa social media ang kuwento ng mag-asawa na sumagip ng kuting na muntik nang masagasaan sa kasagsagan ng trapiko sa EDSA-Santolan. 

Sa kuhang video ni Genesis Dumlao, makikitang bumabaybay sila ng asawa na si Cris gamit ang isang motorsiklo nang mapansin ang isang pusa na nakaratay sa kalsada. 

Huminto ang mag-asawa, bumaba si Cris, at pinigil muna ang isang kotse bago kunin ang pusa. 

Sa panayam sa "Lingkod Kapamilya" sa DZMM, itinuturing ng mag-asawa na "karangalan" ang pagpuri sa kanila ng mga netizen. 

"Sobra pong na-overwhelm kami sa lahat ng taong nagpapasalamat po on behalf po ng kuting na even though na wala kaming natanggap na awards and medals when we were still studying na mai-ooffer po namin sa family namin, sobra pa po ito kasi good deed po ito," ani Cris. 

Nagulat din sila na napunta sa gitna ng kalsada ang pusa, na pinangalanan nilang Edsa. 

"Na-shock din po kami kasi nandoon po siya sa daan. Noong huminto po yung sasakyan bigla ko po siyang kinuha. Kitang-kita ko po siya nakalaylay na yung dila niya," ani Cris. 

Kuwento ni Genesis, nakagawian nilang mag-asawa na sumagip ng mga pusa sa kalsada. 

Isa rito ang pusang si Nori, na sinagip ni Genesis sa Commonwealth Ave. 

Sunod namang sinagip ni Cris ang pusang si Siopao habang nagmamaneho. Ibinigay nila ito sa kanilang in-laws. 

Nasa pangagalaga rin ng mag-asawa ang pusang si Edsa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.