Itinutuloy ang biyahe ng ilang tren ng MRT-3 kahit pa man may nakikitang aberya dito, ayon sa isang transport advocates' group.
Ayon sa mga dokumentong nakuha umano ng Riles Network sa pamunuan ng MRT-3, hinahayaan ng MRT na patakbuhin ang kanilang mga tren kahit pa man naiiwang bukas ang pinto nito o nakakarinig sila ng kakaibang ingay.
Patuloy umanong pinapatakbo ang tren hanggang makarating sa huling istasyon, at saka lamang ito aayusin.
Para kay Sammy Malunes ng Riles Network, uri ito ng pagbabalewala ng kaligtasan ng mga pasahero.
"Sinadya nilang balewalain ang safety standard protocol," ani Malunes.
Ayon sa datos ng Department of Transportation (DoTr), aabot sa 18 ang naitalang unloading incidents sa MRT-3 nitong taon. Nasa 57 naman ang naitalang unloading incidents noong 2018.
Aabot naman sa 463 ang naitalang unloading incidents noong 2017 habang 586 beses namang nagpababa ng pasahero ang MRT noong 2016.
Higit na mas mababa ito noong 2016, kung saan 586 beses nagpababa ng pasahero ang MRT.
Pero ang riles Riles Network duda sa datos at sinabing hakbang ito ng MRT para masabi sa publiko na nababawasan ang mga bilang ng mga biglaang pagbaba ng mga pasahero.
"Sinungaling sila. Gusto ko ipa-retrieve ang official records mula sa control center kung ilan talaga ang glitches ang na-commit," ani Malunes.
Tingin nila, kung naiayos lang ang operasyon ng tren, maaaring nakatulong pa ito para maibsan ang sikip ng trapiko sa EDSA.
Dahil dito, nanawagan ang Riles Network na magbitiw sina Transportation Secretary Arthur Tugade at Undersecretary for Rails TJ Batan.
Pero giit ng DOTr, mali ang interpretasyon ng grupo sa datos nila.
"Safe pong sumakay sa MRT-3, pag alam po natin na may problema ang isang bagon, hindi po namin iyan ilalabas," ani Batan.
May mga naka-standby na raw na mga technician sa mga railway para agarang mabigyan ng solusyon ang makikitang sira sa mga tren para makatakbo ito kaagad.
"Since degraded ang condition ng MRT-3, kailangan natin ng procedures para sa degraded operations. Isang malaking halimbawa natin ang (pagbawas) ng operating speed," ani Batan.
Ayon pa sa DoTr, sinisikap nilang maibalik na sa 20 ang bilang ng mga tren na patatakbuhin kada araw.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, MRT, train, aberya, tren, transportasyon, public works, Department of Transportation, DoTr, aberya ng MRT, MRT malfunction, Arthur Tugade, Tugade, TJ Batan, Batan