Ulang dala ni Ompong di tulad ni Ondoy: Lagmay

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 04:56 PM | Updated as of Sep 13 2018 05:29 PM

Image courtesy of PAGASA

MAYNILA - Malakas na pagulan ang inaasahang dala ng bagyong Ompong na maaaring magpalakas rin sa hanging habagat.

Ayon kay Prof. Mahar Lagmay, executive director ng UP Resiliency Center at UP Noah Center, papaigtingin ng bagyo ang habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

"Sa nakikita ko, hindi naman ganun kalakas yung habagat rain. Mag-uulan pero hindi naman ganun kalakas ng Ondoy sa Metro Manila," sabi ni Lagmay sa panayam sa DZMM Huwebes ng umaga.

Base sa mga modelo, ang pag-ulan ay nakikita sa northern part ng Luzon o regions 1 at 2.

PAGHAHANDA, HUWAG IPAGPABUKAS

Pakiusap ni Lagmay sa mga residenteng maaapektuhan ng bagyo na maghanda ng maaga.

“Alam natin na malakas na bagyo ito, mag-ingat na po tayo. Ngayon na po ang dapat na preparasyon. Wag na hintayin ang last minute,” aniya. 

Hangga’t maaga aniya ay putulin na ang mga sanga ng puno at pagtibayin na ang mga yero sa mga bahay na maaaring tangayin ng malakas na hangin. 

Alamin din ang mga lugar na hindi mapanganib sa kani-kanilang mga lugar at maghanda na rin ng emergency kits.

“Ini-expect na maraming ulan ang pwedeng mangyari sa Northern Luzon kaya maganda po mag-ingat ang ating mga kababayan. Hindi po namamatay ang tao sa ulan. Ang ikinamamatay ng tao pag may ulan ay 'yung baha at landslide. 'Yun po ang dapat pag-ingatan," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito rin ang nais na maiparating ni Dr. Gerry Bagtasa ng University of the Philippines Institute of Environmental Science and Meteorology.

Ayon kay Bagtasa, magdadala ng malakas na pag-ulan ang bagyo na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

"Yung mga nasa low-lying areas, dapat mag-evacuate, pumunta sa mataas. 'Yung mga nasa tabi ng mga bundok na sloping, malaki rin 'yung chance na mati-trigger 'yung landslide dahil sa lakas ng ulan, mag-evacuate din," sabi ni Bagtasa sa panayam ng ABS-CBN News Huwebes ng umaga.

Inaasahang magbubuhos ng nasa 300mm hanggang 400mm na ulan ang bagyo na huling namataan 725 km silangan ng Virac, Catanduanes. 

"Yung rain na ini-expect natin, at least 'yung lumalabas sa model, is 400mm. Mataas na ito. Yung Ondoy 400mm something in 6 hours so sobrang iksi ng time. Ito, in more or less 24 hours to 36 hours period naman siya pero still, mataas 'yun," sabi ni Dr. Bagtasa.

Paliwanag niya na sa kaso ng Ondoy, naipon ang tubig at hindi agad nakadaloy ito dahil sa bilis at dami ng ibinuhos na ulan.

"Yung Ondoy, sobrang sandali niyang bumagsak, walang time for the water to flow out to the ocean. Dito, it's still a very short time actually for a 400mm rainfall, so meron yang pagbaha. Aapaw ang mga rivers. Maraming rivers sa Region 1 [Ilocos], magkakaroon ng flooding," ani Bagtasa.

Nasa 27 mga lugar na sa Luzon at Visayas ang inilagay sa Tropical Storm Warning Signal sa pinakahuling ulat ng PAGASA alas-11 ng umaga.

Para mas lalong maintindihan pa ang epekto ng 400mm rainfall, inihalintulad ito ni Dr. Bagtasa sa pag-ulan kahapon ng umaga sa Metro Manila kung saan ilang lugar ang agad binaha.

"Yung isang saglit lang na yun, it's around 50mm plus. 400mm is around 10 times that," sabi niya.

Kasalukuyang taglay ng bagyo ang hanging 205 kph at pagbugsong nasa 255 kph.

Ang Metro Manila ay nasa range pa rin umano ng bagyo na may lawak na 900 kms in diameter, pero hindi naman katasaan umano ang inaasahang ulan dito.

"Ini-expect niya na uulan tapos gustier yung winds, mas windy than usual pero hindi naman destructive," ani Dr. Bagtasa.

Pakiusap din ni Dr. Bagtasa sa publiko na laging makinig sa anunsiyo ng PAGASA at ng kani-kanilang local government units.

“Mayroon tayong ample time for warning. Listen to PAGASA kasi yun ang mandated na magbigay ng updates. Listen rin sa inyong local government units,” payo ni Dr. Bagtasa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.