PANOORIN: 2 konsehal, nagsuntukan sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 12:58 PM | Updated as of Sep 14 2018 07:22 PM

(UPDATE) Nagsuntukan ang dalawang konsehal sa gitna ng isang opisyal na pulong sa Bacolod City, Miyerkoles.

Base sa isang video na inupload ng Bacolod Public Information Office, nagkatinginan ng masama sina Konsehal Kalaw Puentevella at Konsehal Dindo Ramos sa loob ng session hall ng Sangguniang Panglungsod ng Bacolod.

Hindi kinalaunan ay tumayo ang dalawang opisyal at nagpang-abot habang nagaganap ang naturang meeting.

 

Naunang sumuntok si Puentevella at hindi na nagawang makaganti ni Ramos dahil pumagitna na sa kanila ang iba pang mga konsehal.

Hindi malinaw ang ugat ng pag-aaway ng dalawang konsehal.

Nitong Biyernes, humingi ng paumanhin si Puentevella sa publiko sa nangyaring insidente.

Ayon kay Puentevella, nagkaroon ng suntukan kasunod ng isang argumento na may kinalaman sa P50 milyong budget para sanitary landfill ng Bacolod.

Nanindigan siya na nagawa niya ang panununtok dahil naramdaman umano niya ang pang-bubully sa kanilang mga miyembro ng opposition sa tuwing may gusto silang talakayin sa agenda na isinusulong ng administrasyon.

"Nirerespeto natin sila, lalo na abogado. Pero kung lalaitin mo ang tao, assuming hindi naman ako abogado, hindi rin ako accounting graduate, this provoked me. I was actually provoked. No matter how you look at the situation," aniya.

Dagdag niya, hindi makaapekto ang insidente sa kanilang paninindigan bilang minority.

Magsasampa naman ng kasong kriminal at administratibo si Ramos laban kay Puentevella. -- May ulat ni Mitch Lipa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.