Paghahanda sa Peñafrancia festival, tuloy kahit may bagyo

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 04:16 PM

Tuloy pa rin ang paghahanda ng lalawigan ng Camarines Sur para sa Peñafrancia Festival sa kabila ng banta ng bagyong Ompong.

CAMARINES SUR – Kasama ang lalawigan sa mga lugar kung saan itinaas na ang storm signal number 1 bilang paghahanda sa paghagupit ng bagyong Ompong.

Nagpulong na rin ang mga responder at staff ng Environment Disaster and Management and Emergency Response Office (EDMERO) kasama ang pulisya, militar at mga bumbero para sa mga paghahanda simula pa kahapon.

Activated na rin ang full incident command system at patuloy ang clearing operation sa highway.

Pero maulap at mainit pa rin ang panahon sa lalawigan kaya tuloy ang mga aktibidad kaugnay sa Peñafrancia Festival sa Naga City.

Maagang sinimulan nitong Huwebes ang Civic Parade and Float Competition.

Bukas gagawin naman ang Military Parade at sa Sabado ang highlight ng Festival na Fluvial Procession.

Una nang sinabi ng Philippine Coast Guard na itutuloy pa rin ang fluvial procession dahil ayon sa PAGASA hindi tutumbukin ni Ompong ang Kabikulan.

Nakahanda naman daw ang Edmero sa Camarines Sur na rumesponde sa oras na kailanganin sila ng Naga City.

Sa kabila nito, nag-abiso pa rin ang awtoridad sa publiko na doble ingat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.