P3.4 milyong halaga ng shabu nakuha mula sa 15-anyos sa Laguna

Val Balita, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 05:58 PM

BIÑAN, Laguna - Kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon ang nakumpiska mula sa isang menor de edad dito sa lungsod, Miyerkoles.

Nahuli ang 15-anyos na suspek matapos umano niyang pagbentahan ng ilegal na droga ang mga undercover na pulis sa isang mall.

"Ginagamit ng mga sindikato ang minor because of the law that is protecting the minor, walang criminal liability," sabi ni Christopher Basilio, hepe ng Special Enforcement Team ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Calabarzon.

Dinala ang suspek sa Department of Social Welfare and Development matapos itong mahuli.

Ayon sa imbestigasyon, ang sindikatong gumagamit ng mga menor de edad bilang drug courier ay karaniwang nakikipagtransaksyon mula sa Calabarzon hanggang sa Bicol.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga magulang na patuloy na tutukan ang kanilang mga anak upang hindi madawit ang mga ito sa mga ilegal na gawain.

"Sa mga parents, dapat alam natin kung anong ginagawa ng ating mga anak, alam natin ang mga activities nila," sabi ni Basilio.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.