P1.5 milyong halaga ng 'ukay-ukay' sinira ng Customs

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 08:35 PM | Updated as of Sep 14 2018 02:52 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinira ang P1.5 milyong halaga ng mga ukay-ukay, gamit na gulong at mga inabandonang laman ng balikbayan box sa isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa Bureau of Customs-Port of Subic, napuno ng ukay-ukay, sari-saring tela, at mga padala na hindi na-claim ang tig-iisang 20-footer container, habang napuno naman ng gulong ang dalawang 40-footer container.

Ayon kay BOC-Port of Subic district collector Atty. Ma. Rhea Gregorio, kailangang gawin ito dahil sa banta sa kalusugan ng mga gamít nang mga damit at gulong.

Dalawa o mahigit pang taon na ring nakaimbak sa Customs sa Maynila ang mga naturang gamit.

Matagal na ring expired ang mga de lata, noodles, at iba pang pagkain na nasa mga balikbayan box. 

Pinaalala ng ahensiya ang publiko na huwag tangkilikin ang mga nagbebenta ng ukay-ukay mula sa ibang bansa at mga gamit na gulong dahil ipinagbabawal ito ng batas.

Kung hindi mare-recycle ang mga winasak na tela o gulong, ipapatapon na lang ito sa contractor kasama ng mga pagkain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.