Mga sangay ng gobyerno, 'handa' na kay 'Ompong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 11:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sineguro ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno ang kanilang kahandaan sa inaasahang pananalasa ng bagyong "Ompong" sa pagpasok ng weekend. 

Sa command conference na dinaluhan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes, inilatag ng mga miyembro ng gabinete ang mga istratehiya at preparasyon ng kani-kanilang opisina.

Ang Department of Transportation, ipagagamit daw ang mga pasilidad ng mga pantalan para sa mga maii-stranded na pasahero.

Ang Department of Foreign Affairs naman ay tutulong din sa mga overseas Filipino worker na maiipit sa kanilang biyahe, tulad ng nangyari nung magkaaberya ang Xiamen Airlines.

Sa pagtaya naman ni Department of Agriculture Secretary Manny Piñol, 600,000 metriko tonelada ng bigas ang maaaring maapektuhan ng Ompong pero di raw dapat mamroblema dahil parating na ang mga in-import na bigas.

Sabi naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council, handa at prepositioned na ang lahat ng responders pati ang relief packages na ihahatid ng Department of Social Welfare and Development sa mga maapektuhan.

Nakaantabay na rin ang 28 health emergency management teams ng Department of Health para sa bagyo. 

DUTERTE NAGPAALALA

Sa pulong, pinaalalahanan ng Pangulo ang mga ahensiya na seguruhin na nag-uusap-usap sila para mabilis ang responde sa tulong.

Para sa lahat ng operasyon sa Ompong, inatasan ng Pangulo ang mga kalihim na idaan lahat kay presidential political adviser Francis Tolentino ang komunikasyon para isang linya na lamang.

Pumasok sa Philippine area of responsibility ang Ompong noong Miyerkoles at nagbabadyang manalasa sa iba't ibang parte ng Luzon.

Sa mga araw ng Biyerne at Sabado inaasahan ang pinakamalakas na hagupit ng bagyo, ayon sa PAGASA.

—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.