Mga lugar na dadaanan ng Ompong, naghanda na

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 09:15 PM | Updated as of Sep 14 2018 01:30 AM

  • Ompong, inihalintulad sa Lawin noong 2016
  • Ilang residente, nagsimula nang lumikas
  • Mga magsasaka, inani na ang mga pananim

MAYNILA -- Pinaghandaan nitong Huwebes ng mga residenteng nakatira sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Ompong ang inaasahang hagupit ng umano ay pinakamalakas na bagyong tatama sa bansa ngayong taon.

Inaasahang magla-landfall ang Ompong sa may bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan at Isabela sa umaga ng Sabado, at magdadala ng mga malalakas na pag-ulan sa loob ng 90 kilometrong diamater nito, sabi ng state weather bureau na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon pa sa PAGASA, ang Ompong, na pumasok sa bansa noong Miyerkoles, ang "pinakamalakas na bagyo na dumadaan sa ating bansa ngayong taon."

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Tuguegarao City, Cagayan, maghapong nag-ikot nitong Huwebes ang pamahalaang lokal, rescue team, at mga pulis sa mga barangay na posibleng bahain at magkaroon ng landslide o pagguho ng lupa.

Pinaalalahanan din ang mga residente na agad lumikas bago pa man tuluyang maramdaman ang hagupit ng Ompong.

"Noon kasi medyo matigas ang ulo ng mga tao kasi wala pa silang experience... Ngayon ang mga tao medyo sasang-ayon sila kaagad," ani Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano.

Hindi naman maiwasan ng ilang mga residente ng Tuguegarao na ikumpara ang paparating na bagyo sa bagyong Lawin noong 2016.

Inihalintulad din ng PAGASA ang Ompong sa Lawin na dumaan sa hilagang bahagi ng Luzon at kumitil sa buhay ng walo katao.

Ayon sa residenteng si Sofia Langkay, na-trauma na siya sa sinapit sa Lawin.

Ipinagkibit-balikat lamang daw niya noon ang Lawin dahil mainit naman ang panahon bago ito manalasa sa kanilang lugar.

"Lilikas kami kasi natatakot na kami. Noong bagyong Lawin, nako, grabe! Parang mahimatay na kami sa takot," ani Langkay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bayan ng Santa Ana, Cagayan, sinabi ng alkaldeng si Darwin Tobias na magsasagawa sila ng preemptive evacuation lalo sa mga barangay na malapit sa dalampasigan.

Inaasahan kasi ang mga daluyong o storm surge na may taas na 6 na metro o 19 talampakan sa mga dalampasigan ng Cagayan, Isabela, at Ilocos Sur.

Itinali na ng mga residente ang mga bubong ng kanilang mga bahay at nilagyan ng tabing ang mga babasaging bintana.

Itinago naman ng mga may-ari ng mga tindahan ang kanilang mga paninda para hindi matangay ng hangin o ng mga mananamantala.

Hindi na rin isinugal ng ilang mangingisda ang kanilang buhay at hindi na pumalaot.

"Noong Martes pa lang, talagang alam na naming may bagyo, sinafety na namin lahat kasi mas malaki mawawala sa amin kapag saka ka lang kikilos 'pag andiyan na," anang mangingisdang si Ronie Villena.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte, nagsimula nang lumikas sa evacuation centers ang ilang pamilya.

Lumikas na rin ang mga nakatira malapit sa dagat sa bayan ng Pagudpud, na kilalang puntahan ng mga turista dahil sa mga naggagandahang beach. 

Minabuti na ng mga hotel at resort owner sa Pagudpud na paalisin ang mga bisita at huwag na munang tumanggap ng mga bagong booking habang may banta ng Ompong.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Batanes, nag-ikot din ang mga awtoridad para paalalahanan ang mga residente na maghanda.

Itinali na rin ng mga residente ang kanilang mga bubong at pinutol ang ilang puno sa kanilang mga bakuran.

Inihayag din ng mga residente na handa silang lumikas kapag tumaas ang alon.

"Doon kami [lilikas] sa mga kamag-anak namin doon sa may bandang taas," anang residenteng si Perla Vasol.

Nag-imbak na rin ng tubig ang mga residente sakaling magkaubusan gaya ng nangyari noong 2016 sa paghagupit ng bagyong Ferdie.

Samantala, inani na ng mga magsasaka mula sa mga lalawigang dadaanan ng Ompong ang kanilang mga tanim. Ibinenta na nila ito sa halip na masira ng bagyo at wala silang kitain.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagaman wala sa direksiyon ng bagyo, naghanda na rin ang mga taga-Metro Manila para sa Ompong.

Ayon sa PAGASA, maaapektuhan lamang ang Metro Manila ng "outermost periphery" ng bagyo, na may layong 500 kilometro sa mata nito.

Sa Biyernes pa inaasahang mararamdaman ang epekto ng bagyo sa kabisera.

Sa Quezon City, sapilitang ililikas ang mga residente sa ilang lugar na delikadong malubog sa baha.

Ininspeksiyon na rin ang mga paagusan sa lungsod bilang paghahanda sa posibilidad ng baha.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakaalerto naman ang mga rescue team sa Valenzuela City at inihanda na rin ang relief goods para sa 5,000 pamilya.

Namigay rin ang ilang opisyal ng barangay sa lungsod ng mga life jacket at rescue equipment sa mga residente.

Magdamag na pagbabantay naman ang isasagawa sa lalawigan ng Bulacan dahil sa banta ng pagbaha sa ilang bayan.

Marami nang lugar, karamihan sa Luzon, ang nagsuspende ng mga pasok hanggang Sabado dahil sa Ompong.

 Bumisita sa ABS-CBN Weather Center para sa updates tungkol sa lagay ng panahon.

-- Ulat nina Raya Capulong, Raphael Bosano, Jeck Batallones, Jeff Canoy, Doris Bigornia, at Angel Movido

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.